deine dich liebener
araw ng biyernes, ika-labinganim na araw makaraan ang isang makabuluhang pagdiriwang ng pag-aalay ng sarili sa kapwa. maulan noon, umihip ang mapaningas na hangin ang paligid. may kadiliman matangi sa iilang ulap na nababanaagan ng kislap ng buwan. lingid sa kaalaman ng marami, nakahimlay sa ilalim ng mga dahon ang mga kulisap, nagpapahinga bago lumayag sa kalawakan ng kadiliman, handang magdulot ng panggigitla sa makakagunita.
unti-unting kumagat ang lamig ng ulop sa kapaligiran. ang ating bida ay lumarga sa isang pagtitipon para sumangguni ng mga kasagutan sa dakilang mago. dala dala ang kanyang bughaw na tanglaw, binaybay niya ang daang mapanganib at madulas. sa tulong ng gomang sapin sa talampakan, dumatal siya sa paroroonan ng matiwasay at ligtas.
nagsimula ang pagtitipon, nagkaroon ng bahaginan ng salaysay ayon sa mga sugo ng dakilang mago. nagalay ng mga handog. nagkaroon ng isang makabuluhang salu-salo at nagwakas ang pagtitipon.
mapayapang tumayo at tumungo sa pinto ang ating bida subalit siya'y pinigil ng isa sa kanyang mga kasama.
"huwag ka munang umuwi. kamakailan lamang ay may isang bagay dito na dumating, mukhang para sa iyo sapagkat nakalimbag sa ibabaw ang pangalan mo. sa aking palagay ay mula ito sa malayong lupain. mukhang mahalaga ang nilalaman. hintayin mo ako at iaabot ko ito sa iyo."
kinabahan ang ating bida. ano kaya itong kababalaghang ito. ni minsan ay hindi pa ito nangyari sa kanya. makaraan ang ilang sandali ay dumating na ang kanyang kasama.
"heto o. sige, aalis na ako."
bagamat malakas pa rin ang ihip ng hangin, at may bahagyang pagpatak ng ambon, mabilis na nakabalik na sa kanyang tahanan ang ating bida dala ang balutan na kanyang natanggap. nagsindi ng mga kandila at agad niya itong binuksan! siya ay nagulantang buhat ng matinding kasiyahan nang makita niya ang laman ng balutan.
at magmula noon ay nagdulot ng himala ang kalangitan at nagbigay kagalakan sa kanyang puso at isipan.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home